Kumbinsido si Senate Majority Leader Joel Villanueva na dummy lamang o ginagamit lang ang mga may-ari ng Wawao Builders at St. Timothy Construction Corporation na humarap sa pagdinig ng Senado.
Tinukoy ng senador na lumabas sa mga nakaraang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ang talamak na license for rent scheme.
Binatikos ni Villanueva ang kawalan ng epektibong mekanismo para masuri nang mabuti ang mga contractor, bagay na nagdudulot aniya ng paulit-ulit na problema sa mga proyekto ng DPWH.
Hamon nito sa pamilya Discaya na tukuyin na kung kanino nila pinahiram ang kanilang mga kumpanya, dahil malinaw umanong ginagamit ang subcontracting at joint venture loopholes para gawing “legal” ang operasyon.
Kinumpirma rin ni Villanueva na nakikipag-ugnayan na ito sa kanyang mga abogado para kasuhan ang mga nasa likod ng pagpapakalat ng fake news laban sa kanya, sabay diin na hindi dapat malihis ang atensyon ng publiko mula sa mga tunay na sangkot.