dzme1530.ph

Sen. Tulfo pinuna ang DENR sa umano’y pagpapabaya sa kalikasan at paglala ng Sierra Madre degradation

Loading

Pinuna ni Sen. Erwin Tulfo ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) kaugnay ng umano’y pagpapabaya nito sa pangangalaga sa kalikasan.

Sa plenary deliberations para sa panukalang ₱27-bilyong badyet ng DENR para sa 2026, sinabi ni Tulfo na hindi ginagawa ng ahensya ang kanilang trabaho sa pagprotekta sa kalikasan.

Ayon kay Tulfo, tila ginagawa pang gatasan ng ilang tiwali ang ahensya. Ilang ulit rin niyang tinanong ang mga opisyal ng DENR ngunit bigo silang makapagbigay ng malinaw na sagot kaugnay sa kanilang mga hakbangin para sa kalikasan.

Ipinakita ni Tulfo ang mga videos at litrato ng mga lugar na matindi na ang pinsala, kabilang ang Cantilan sa Surigao del Sur, Doña Remedios Trinidad sa Bulacan, Gutalac sa Zamboanga del Norte, at mismong kabundukan ng Sierra Madre. Lahat anya’y nagpapakita ng paglala ng iligal logging, mining, at pagtatayo ng mga istrukturang walang pahintulot.

Sa kabila ng mga ebidensyang ito, nanatiling tikom ang bibig ng DENR at walang malinaw na paliwanag na naibigay. Una nang iginiit ni Tulfo ang kahalagahan ng Sierra Madre bilang natural na panangga ng Luzon.

About The Author