dzme1530.ph

Sen. Tulfo, hinamon si Bamban Mayor Alice Guo na sumailalim sa lie detector test

Ipinagpatuloy na ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ang pagdinig kaugnay sa niraid na POGO hub sa Tarlac na nagsasangkot kay Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Gayunman sa pagsisimula pa lamang ng pagdinig ay hinamon na ni Sen. Raffy Tulfo si Guo kung handa itong sumailalim sa polygraph test o lie detector test dahil hindi kumbinsido ang senador sa mga pahayag ng alkalde na kinasahan naman nito.

Ito ay nang panindigan ni Guo na siya ay love child at iginit na hindi niya alam na kasal ang kanyang ama na si Angelito Guo sa kanyang ina na si Amelia Leal Guo na taliwas sa hawak na dokumento ni Tulfo na ikinasal sila noong October 14, 1982.

Kinuwestyon din ng mga senador ang naging pahayag ni Guo na matapos siyang ipanganak ay umalis na ang kanyang ina subalit lumitaw na si Amelia pa rin ang ina ng dalawa pang kapatid ng alkalde na sina Shiela at Seimen Leal Guo.

Ipinaalala ni Tulfo na kung lalabas sa pagsusuri na nagsinungaling ang alkalde ay maaari siyang macite in contempt at mapakulong sa Senado.

Hiniling din ni Tulfo na imbitahan sa susunod na pagdinig si dating Bamban, Tarlac Mayor Jun Feliciano at maging ang kumadrona na nagpaanak sa ina ni Guo at maging ang Barangay officials na nagbigay ng permit para sa farm ng alkalde.

Direkta na ring kinuwestyon ni Hontiveros ang citizenship ni Guo dahil ang tatay nito ay isang Chinese mula sa Fujian, China habang ang sinasabi nitong biological mother na si Amelia Leal Guo ay wala namang birth record sa Pilipinas.

About The Author