Handa pa rin si Senate Majority Leader Francis Tolentino na magbigay ng legal advice kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay sa kinakaharap nitong kaso sa International Criminal Court.
Matatandaang una nang nag-alok si Tolentino na maging abogado ni dela Rosa nang uminit ang isyu sa kaso ni dela Rosa.
Sa press briefing sa Cavite, sinabi ni Tolentino na sa pagkakaalam niya ay nag-anunsyo na rin si Dela Rosa na ang kanyang abogado ay si Atty. Harry Roque.
Sa ngayon aniya ay wala pa siyang nakukuhang tawag mula kay dela Rosa at hindi pa nagkakausap kahit sa text subalit nananatili aniyang bukas ang kanyang linya ng komunikasyon para sa kasamahan sa Senado.
Sa panig naman ni dating Sen. Panfilo Lacson, sinabi niyang hindi siya magpapayo ngayon kay dela Rosa kung ano ang dapat gawin.
Matatandaang si Lacson ay nagtago nang lumabas ang warrant of arrest laban sa kanya noong 2010.
Aminado si Lacson na mahirap ding magtago dahil para ring nakakulong bagama’t mas malawak lamang ang lugar.