Bukod sa minadaling proseso, iginiit ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na maituturing din na unconstitutional ang probisyon sa Maharlika Investment Fund Act na pinapayagang gamitin sa pondo ang dibidendo ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
Ito anya ang isa sa kanilang argumento sa inihaing petisyon sa Korte Suprema na naglalayong ideklarang unconstitutional ang Republic Act 11954 o ang Maharlika Investment Fund Act.
Sinabi ni Pimentel na sinira ng batas ang independence ng BSP dahil inobliga itong maglagak ng investment fund sa Mahalika Investment Corporation.
Kabilang din sa argumento sa petisyon nila sa Korte Suprema ang nauna na ring pagkwestyon ni Pimentel sa magkaibang kopya ng batas na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at inaprubahan ng Senador sa 3rd and final readig.
Idinagdag ni Pimentel na kasama rin sa kinukuwestyon nila sa petisyon ang inisyung Presidential certification sa pagtalakay sa Maharlika gayung wala namang emergency situation na tinutugunan.
Katunayan, mismong ang administrasyon ang umamin na mararamdaman ang epekto ng batas sa susunod pang limang taon.
Umaasa naman si Pimentel na magsasagawa ng oral arguments ang Supreme Court upang malaman ng publiko ang bawat argumento at detalye ng batas. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News