Tiniyak ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang kahandaan na pangunahan ang pagdinig ng Senado kaugnay sa war on drugs ng nakalipas na administrasyon.
Sinabi ni Pimentel na sa sandaling mairefer sa Senate Committee on Justice and Human Rights ang resolution ay handa silang magtakda ng pagsisiyasat.
Ito ay nang una nang sinabi ni Senate President Francis Escudero na posibleng sa kumite ni Pimentel mairefer ang resolution sa pagbabalik ng sesyon.
Sa pahayag ni Escudero, sinabi niyang habang nakabakasyon pa ang sesyon ay ang tanging maaaring magsagawa ng motu proprio investigation sa usapin ay ang Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan naman ni Sen. Pia Cayetano.
Nangako naman si Pimentel na kung pangungunahan ang pagsisiyasat ay gagawin niya ito sa propesyonal na paraan.
Dapat aniyang patunayan ng Committee on Justice ang kanilang pangalan at maghatid ng katarungan batay sa ebidensya at mga pangyayari. —sa panulat ni Dang Garcia, DZME News