dzme1530.ph

Sen. Pimentel, atubili sa planong i-hire pansamantala ang mga nurse na bigong makapasa sa board exams

Atubili si Senate Minority Leader Koko Pimentel sa ipinapanukala ni Health Secretary Ted Herbosa na i-hire pansamantala ang mga hindi pa lisensyadong nurses kasama na ang mga bumagsak sa board exams na nakakuha ng 70% to 74% rating.

Sinabi ni Pimentel na dapat mapangalagaan ang integridad ng lahat ng pagsusulit lalo na sa mga nagnanais maging health professionals.

Dapat anyang manatili ang 75% passing rate at ang sinumang makakakuha ng mas mababa rito ay patunay lamang na hindi pa handang maglingkod.

Kasabay nito, hinimok ni Pimentel ang mga naghahanda ng mga pagsusulit na ayusin ang bawat eksaminasyon at tiyaking nakatutok ito sa competence at readiness ng nursing examinee.

Kailangan anyang ang mga tanong sa pagsusulit ay nakadirekta sa mahalagang kasanayan ng mga nurse.

Samantala, ipinaalala ni Pimentel na ang planong pagbibigay ng temporary license sa non-board passers ay short-term solution lamang.

Ang kailangan anyang resolbahin ay ang tunay na dahilan ng kakulangan ng mga healthcare workers at ito ay ang mababang kompensasyon sa bansa.

Panahon na anyang bumalangkas ng makatwirang kompensasyon sa mga healthcare workers upang hindi sila na-e-engganyong mag-abroad dahil sa mas mataas na sahod. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author