Aminado si Sen. Kiko Pangilinan na nagdududa na ito sa mabagal at mababang bilang ng mga kasong naresolba laban sa mga smuggler ng produktong agrikultural.
Naghihinala tuloy ang senador na may mga ghost cases din sa agricultural smuggling, katulad ng mga umano’y ghost flood control projects.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture na kanyang pinamumunuan, binanggit ni Pangilinan na mula Hulyo 2022 hanggang Nobyembre 2024 ay umabot na sa ₱5.8 bilyon ang halaga ng mga nasabat na smuggled agricultural products.
Mula 2018 hanggang 2024, mayroon pang karagdagang ₱8.59 bilyon na halaga ng mga nasamsam.
Gayunman, apat pa lamang ang nahatulang smuggler at limang porsyento lang ng 192 kaso ang naresolba, na kadalasan ay nadidismiss dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Binigyang-diin ni Pangilinan ang ilang kasong walang malinaw na update, gaya ng pagkakasabat ng frozen pork belly, Peking duck, lapu-lapu at iba pang hotpot products sa Kawit, Cavite noong Hunyo 2024, at ang pagkakadiskubre ng smuggled beef, chicken, seafood, pigeon meat, bulok na sibuyas at bawang sa isang cold storage facility sa Bulacan noong Setyembre 2024.
Tila may dagdag-bawas din umano sa mga ulat ukol sa halaga ng nakumpiskang goods. Sa Subic, halimbawa, iniulat ng Bureau of Customs na ₱20.8 milyon lang ang halaga ng carrots at yellow onions, pero ayon sa Department of Agriculture, umabot ito sa ₱136.5 milyon.
Tinuligsa rin ng senador ang kawalan ng nakokolektang multa mula sa mga importer na hinihinalang smuggler.
Binigyang-diin nito na kahit ipinagmamalaki ng Department of Justice ang 92% improvement sa prosecution ng mga smuggler at ang pagpapatibay ng mga batas laban sa smuggling, nananatili pa rin ang malaking tanong kung bakit wala pa ring nakukulong.