Umalma si Senador Robin Padilla sa puna ng ilan kaugnay sa pagkawala ng decorum sa Senado.
Tila nagpasaring pa si Padilla nang sabihing seryoso ang mga bagong senador na nakatutok sa paghahanap ng solusyon sa mga anya’y minana nilang problema sa mga tinawag nitong kagalang-galang at honorable senators.
Iginiit pa ng mambabatas na ang mga bagong senador ay mula sa bagong henerasyon na trabaho ang pinagbabatayan ng pagiging honorable-looking.
Galing din anya sila sa masa na bagama’t maingay at hindi naman natutulog sa kanilang trabaho o naglalaro sa kanilang mga cellphones.
Iginiit pa ng mambabatas na ang ang pagbibigay ng mungkahi ng isang senador sa gitna ng sesyon o talakayan ay hindi kalapastanganan at sa halip ay parliamentaryong pamamaraan na pinapayagan ng rules of Senate.
Ang pagiging tao rin anya ng isang senador para makiusap sa kanyang kinasasakupan ay hindi isang kakulangan kundi isang pagpapakumbaba ng isang inihalal na dapat ay hindi mataas ang tingin sa sarili kundi isang lingkod Bayan.
Dinipensahan din ni Padilla sina Senate President Juan Miguel Zubiri at Majority Leader Joel Villanueva na inilarawan nitong magaling at diretsong pinuno at hindi mga traditional politicians.
Binigyang-diin pa ng senador na ang bagong mukha ng senado sa ngayon ay mga bata, maliksi at walang paliguy-ligoy. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News