dzme1530.ph

Sen. Marcos, umapela sa Malakanyang na padaluhin ang mga opisyal sa hearing kaugnay sa pag-aresto kay FPRRD

Loading

Hiniling ni Sen. Imee Marcos sa Malakanyang na muling pag-aralan ang kanilang desisyon na huwag nang padaluhin ang mga opisyal ng gobyerno sa pagdinig ngayong araw na ito kaugnay sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kanyang sulat, sinabi ng senadora mahalaga ang pagdalo ng cabinet members sa hearing at hindi sapat ang mga dahilan na ibinigay ng Malacañang upang tanggihan ang imbitasyon ng Senado.

Dapat aniyang magbigay linaw ang mga opisyal sa mga isyung naunang lumitaw at masagot ang mga katanungan mula sa nakaraang pagdinig.

May  mga bago rin aniyang impormasyon na natanggap ang Senate Committee on Foreign Relations kaya para sa interes o ngalan ng pagiging patas at transparent, nais nilang bigyan ang mga executive officials ng tsansa na magpaliwanag.

Iginiit din ni Marcos na may mga desisyon ang Korte Suprema na sumusuporta sa kapangyarihan ng Senado na magsagawa ng imbestigasyon bilang bahagi ng kanilang tungkulin, anuman ang mga kasong kasalukuyang ipinoproseso.

Pinaalala rin ng senadora na hindi maaaring gamitin ang executive privilege bilang dahilan upang iwasan ang pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno sa publiko.

Binanggit ng senadora ang kahalagahan ng paglilinaw sa isyu upang maiwasan ang mga maling interpretasyon at paghihinala, kasama na rin ang tuluyang pagwatak-watak ng taumbayan.

About The Author