Ipinagkibit-balikat ni Sen. Imee Marcos ang alegasyon ng ilang kongresista na niyurakan niya ang imahe ng Kamara matapos niyang imungkahi ang pagpapalit kay House Speaker Martin Romualdez.
Giit ni Marcos, hindi lumihis sa isyu ng impeachment ang kanyang explanation of vote, at malinaw na pulitika ang pinagmulan ng lahat ng usapin.
Nanindigan ang senadora na wala siyang niyuyurakan, at simpleng suhestyon lang ang kanyang sinabi. Kaya aniya, huwag na sanang magalit ang mga kongresista.
Dagdag pa ng mambabatas, nakarating na rin sa kanya ang impormasyon na marami na ang naghihintay ng pagkakataong palitan si Romualdez, ngunit wala pa raw itong basbas mula sa Malacañang.
Binigyang-diin din ni Marcos na hindi labag sa batas ang kanyang sinabi, at nagsasabi lang ito ng totoo, wala rin aniya siyang minura o nilait.