dzme1530.ph

Sen. Marcos, nanindigang makatwiran ang pagpapaliban ng Barangay at SK Elections

Nanindigan si Senate Committee on Electoral Reforms chairman Imee Marcos na makatwiran ang ginawa nilang batas para sa pagpapaliban ng Barangay at Sanggunian Kabataan Elections (BSKE).

Gayunman, nilinaw ng senador na iginagalang niya ang desisyon ng Korte Suprema na nagsasaad na unconstitutional ang batas para sa pagpapaliban sa halalan subalit kumikilala sa separation of powers sa pagitan ng lehislatura at hudikatura na pinagbabatayan ng sistema ng pamahalaan.

Sa ruling din ng Supreme Court, kinikilala nito ang legal practicality at pangangailangan na ituloy ang BSKE sa huling Lunes ng Oktubre ngayong taon.

Iginiit ni Marcos na kailangan ng mga kasalukuyang Barangay at SK officials ng karagdagang panahon para ipatupad ang kanilang mga programa na naisangtabi dahil sa COVID-19 pandemic.

Panahon na anya para mapalawig ang termino ng Barangay officials lalo pa’t sila ang palaging naaatasan na magpatupad hindi lang ng kanilang sariling programa at proyekto kung hindi maging ng programa ng local at national government.

Nagsisilbi rin anyang frontliners ang mga ito at napakaraming tungkulin ang ipinagkakatiwala sa kanila tulad ng pagtiyak sa kapakanan ng kanilang mga constituent, mamagitan sa mga away ng magkakapitbahay at tumugon sa panahon ng kalamidad.

Binigyang-diin ni Marcos sa dami ng katungkulan, hindi na nakapagtataka na hindi sapat ang tatlong taon nilang termino para makabuo at makapagpatupad ng sarili nilang mga patakaran at programa.

Ito anya ang dahilan kaya’t inihain niya ang Senate Bill 1195 na naglalayong gawing anim na taon ang termino ng Barangay at SK officials.

Sa ganitong paraan anya ay makakatipid pa ang pamahalaan ng bilyung-bilyong piso na ginagastos sa pagdaraos ng Barangay at SK elections. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author