dzme1530.ph

Sen. Lacson, deadma sa paglalabas ng sama ng loob sa kanya ni Sen. Marcoleta

Loading

Hindi nagpapaapekto si Sen. Panfilo Lacson sa mga puna ni Senador Rodante Marcoleta laban sa kanya.

Sa kanyang privilege speech, pinuna ni Marcoleta ang umano’y madalas na pagpapasaring ni Lacson sa X account, partikular kaugnay sa pagpapatestigo kay Orly Guteza sa Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa flood control anomalies.

Ipinaliwanag ni Marcoleta na hindi niya agad naiabiso kay Lacson ang testigo dahil hindi pa siya tiyak na sisipot ito sa pagdinig. Pinuna rin niya ang mga panayam kay Lacson kung saan tila kinumpirma umano nito na may “nag-tutor” sa testigo.

Kinuwestyon pa ni Marcoleta ang direksyon ng imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee, na aniya’y tila lumalayo kay dating House Speaker Martin Romualdez at ang pagpayag ng kumite na dalhin agad ni Justice Secretary Boying Remulla ang mga tumestigo sa Senado sa DOJ nang hindi pa agad natatanong ng mga senador.

Kaya tanong nito kung investigative arm na ng DOJ ang Blue Ribbon Committee kasabay ng pahayag na sabog-sabog na ang pagsisiyasat.

Gayunman, nanahimik si Lacson habang binibigkas ang privilege speech. Makalipas ang ilang oras, nag-post lamang siya sa X account ng “The best response to nonsense is silence.”

About The Author