Nagbitiw na bilang lider ng Senado si Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri matapos ang halos dalawang taong panunungkulan.
Kabuuang 23 senador ang dumalo sa sesyon ngayong araw, Mayo 20. Kasabay ni Zubiri ay nagbitiw na rin sina Senate President Pro Tempore Loren Legarda, Majority Leader Joel Villanueva at Deputy Majority Leader JV Ejercito.
Sa kanyang valedictory speech, sinabi ni Zubiri na malaking karangalan sa kanya ang paglilingkod bilang Senate leader na hindi niya inakalang kanyang makakamit.
Sa loob aniya ng dalawang taon, pinangunahan niya ang mga senador sa pagpapasa ng mga makabuluhang batas na makatutulong sa ekonomiya ng bansa.
Ipinagmalaki rin ni Zubiri ang matagumpay paglahok at pangunguna sa malalaking aktibidad kabilang na ang naging imbitasyon nila kay Japanese Prime Minister Fumio Kishida.
Nangako rin ang senador na Senate President man o hindi, ipagpapatuloy nya ang pagsuporta sa mga panukala na makatutulong sa mahihirap na kababayan
Binigyang-diin ni Zubiri na walang tunay na kaunlaran hanggat may Pilipinong namamatay sa gutom o kawalan ng serbisyong medikal, at hanggat may kabataang tumitigil sa pag-aaral para magtrabaho.
Pinasalamatan din ni Zubiri ang lahat ng empleyado ng Senado na sa ilalim anya ng kanyang liderato ay hindi niya pinabayaan kaya’t maituturing na sila ang naging most generous at ito ay kanyang ipinagmamalaki.
Iginiit ng senate leader na ipinaglaban niya ang pagiging independent ng Senate subalit sa loob ng dalawang taon na ang senate presidency ay hindi lamang sa pangunguna sa mga tao kundi ang iharap ang kanyang sarilii sa lahat ng mga pagsubok.