Umapela si Senate Committee On Public Services Chairperson Grace Poe sa mga Telecommunications Company at sa mga ahensya ng pamahalaan na tiyaking magiging madali ang pagpaparehistro ng mga Subscriber Identity Module (SIM) ng mga customer habang sinisiguro na pribado ang kanilang mga datos at impormasyon.
Ito ang panawagan ng Senadora sa pagsisimula ng implementasyon ng batas sa Sim Registration ngayong araw.
Iginiit ni Poe, hindi dapat maging kumplikado ang mga proseso, paraan at portal para sa pagrerehistro ng sim.
Dapat din aniyang tulungang makapagrehistro ng sim ang mga may kapansanan, senior citizens, menor de edad, buntis at ang mga walang internet connection.
Ipinanawagan rin ng mambabatas ang maigting at malawak na information drive para maabot at makapagrehistro ang mga mamamayan sa buong bansa at matiyak na hindi makokompromiso ang kanilang mga datos.
Matatandaang ipinasa ang Sim Registration Act upang labanan ang lumalalang mga text scam na nambiktima at nagpahirap sa maraming pilipino.
Minamandato ng batas ang pagpaparehistro ng sim sa loob ng 180 araw mula sa pagiging epektibo ng implementing rules and regulations (IRR) nito.