![]()
TINIYAK ni Senador Christopher Bong Go ang kahandaang tumulong sa mga OFWs na magpapasaklolo bunsod ng matinding tensyon sa Middle East.
Sinabi ni Go na nababahala siya sa tumitinding tensyon at kaguluhan kasabay ng panawagan sa mga OFW na manatiling mapagmatyag at palaging makipag-ugnayan sa mga embahada at konsulado para sa mga security measures at mahahalagang anunsyo.
Nananawagan din ang senador sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan na bantayang maigi ang sitwasyon, partikular sa mga lugar na tinatamaan ng missile at drone attacks sa Middle East.
Kung kinakailangan anyang ilikas at i-repatriate ang mga Pinoy, mas mabuting gawin na ito agad at tiyaking nakalatag na ang sapat na tulong at reintegration programs para sa mga uuwing OFWs.
Bukod sa seguridad, dapat din anyang bantayan ang epekto nito sa ekonomiya, lalo na ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at posibleng maging ang mga pangunahing bilihin.
Nanawagan siyang hindi dapat hayaang may mga mapagsamantala sa gitna ng krisis na lalong magpapahirap sa mga mahihirap nating kababayan.
Sa huli, nanawagan siya sa lahat ng Pilipino na sama-samang manalangin para sa kapayapaan at patuloy na magmalasakit sa mga nangangailangan.
