Nagpahayag ng kalungkutan si Senate Committee on Health and Demography Chairman Christopher “Bong” Go sa pagkakatanggal sa tatlong senior undersecretaries sa Department of Health.
Sinabi ni Go na maituturing na assets ang tatlong opisyal sa gobyerno dahil sa kanilang karanasan at angking kagalingan.
Kabilang sa mga ito sina Undersecretaries Maria Rosario Singh-Vergeire, Achilles Gerard Bravo, at Kenneth Ronquillo na pawang mga Career Executive Service Officers (CESO).
Ang ilan din aniya sa kanila ay mga doktor na malaki ang naiambag sa pagpapatupad ng Universal Health Care Act at naging mukha ng gobyerno noong kasagsagan ng nakaraang pandemya.
Partikular na tinukoy ni Go si Vergeire na nagsilbing OIC ng DOH noong panahon ng COVID-19 pandemic.
Sinabi ng senador na hangad niyang magkaroon ng mga opisyal sa DOH na may karanasan, kwalipikasyon, at dedikasyon—lalo na ngayon na patuloy na pinalalakas ang healthcare system ng bansa at inilalapit ang mga serbisyong pangkalusugan sa mahihirap na Pilipino.