Ipinauubaya ni Senate Committee on Ways and Means Chairman Sherwin Gatchalian sa government lawyers kung ikukunsidera si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na maging state witness sa mga isyu ng POGO.
Sinabi ni Gatchalian na para sa kanya hindi maituturing na least guilty ang alkalde dahil malinaw sa mga dokumento na siya ang namahala sa mga dokumento ng POGO sa Bamban, Tarlac at may kaugnayan din ito sa POGO hub sa Porac, Pampanga.
Alinsunod sa batas, maaaring maging state witness ang mga taong least guilty sa mga krimen.
Sa kabilang dako, naniniwala si Gatchalian na maraming nalalaman si Guo kaugnay sa sindikatong nasa likod ng POGO operations.
Dapat anyang pangalanan ni Guo ang mga personalidad na sangkot sa iligal na operasyon upang masampahan din ng kaso.
Umaasa rin si Gatchalian na maiuupgrade na sa hold departure order ang watchlist order laban kay Guo dahil may mga kaso nang naihain laban sa kanya.