dzme1530.ph

Sen. Gatchalian, inaming deadlock ngayon ang pagtalakay sa 2026 national budget

Loading

Kinumpirma ni Senate Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian na may deadlock ngayon sa pagtalakay ng bicameral conference committee kaugnay sa proposed 2026 national budget.

Sinabi ni Gatchalian na nagdesisyon ang Senate bicam panel na hindi dadalo ngayong araw sa meeting dahil kailangan muna nilang resolbahin ang isyung may kinalaman sa ipinababalik na pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Inamin ng senador na nag-abiso na sila sa kanilang counterpart na hindi dadalo ngayong araw sa bicam meeting subalit wala pang feedback ang House contingent.

Iginiit ni Gatchalian na naninindigan ang Senado na hindi sila nagkamali sa ginawa nilang pagtapyas sa budget ng DPWH dahil ibinatay lamang nila ito sa isinumiteng adjustment ng ahensya.

Samantala, nanindigan din si Senador Panfilo Lacson na sadyang mauuwi sa deadlock ang pagtalakay kung hindi aaminin ni DPWH Secretary Vince Dizon na sila ang nagkamali at hindi ang Senado.

Malinaw anila ang naging pahayag ni Dizon sa pagdinig sa Senado na maaari nilang tapyasan ang pondo para sa infrastructure projects para sa susunod na taon dahil sa overpriced na materyales.

Gayunman, sa pagharap ni Dizon kahapon, ibinabala niyang madedelay o hindi maipatutupad ang ilang proyekto dahil sa underfunding.

About The Author