![]()
MARAMI pang mahahalagang bagay ang dapat unahin kaysa sa pagtalakay sa mga impeachment complaint laban sa mga lider ng bansa.
Ito ang iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian kasabay ng paalala naposibleng matagalan na ang proseso ng anumang impeachment complaint sa Kamara kasunod ng pinakahuling ruling ng Korte Suprema.
Inihalimbawa ng senador na kailangan pang tutukan ngayon ang pagsasaayos ng sistema ng gobyerno sa infrastructure projects upang hindi na maulit ang mga naganap na katiwalian. Ipinaliwanag ni Gatchalian na sa ilalim ng ruling ng Korte Suprema, magmimistula nang prosecutor ang Kamara na kinakailangan na anyang magpatawag ng pagdinig kasama ang mga testigo bago iakyat sa Senado ang reklamo.
Hindi anya ito katulad ng dating proseso na kailangan lamang ng 1/3 votes ng mga kongresista ay maaari nang idiretso sa Senado ang reklamo. Sa kabilang dako, ipinaalala ring muli ni Gatchalian na ang impeachment ay divisive o nagdudulot ng pagkakahati-hati sa mamamayan.
Malinaw din naman anyang political process lamang ito bagama’t kailangan ding tiyakin na ang anumang desisyon sa impeachment complaint ay nakabase sa ebidensya.
