Hinimok ni Sen. Sherwin Gatchalian ang Department of Budget and Management (DBM) na maging mas mahigpit sa preparasyon ng National Expenditure Program (NEP) at masusing busisiin ang mga kuwestiyonableng proyektong nakapaloob dito.
Ang NEP ang panukalang spending plan ng ehekutibo na nagsisilbing batayan para sa General Appropriations Act o pambansang budget sa loob ng isang taon.
Ito’y matapos matuklasan ni Gatchalian na hindi maayos na nabubusisi ng DBM ang mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil umano sa tinatawag na “special nature” ng mga ito.
Ayon sa senador, ang special nature na ito ang nagiging sanhi ng korapsyon dahil walang feasibility study at may line items na may round numbers dahil sa kawalan ng detailed engineering design.
Dagdag pa ni Gatchalian, kung nasuri lamang nang maigi ng DBM ang mga red flags sa budget proposal ng DPWH sa NEP, maaaring naiwasan ang mga proyektong may anomalya.
Kabilang sa mga red flags na ito ang mga magkakaparehong proyekto na may parehong halaga at ang mga proyektong nakapaloob sa 2025 NEP na muling lumitaw sa 2026 NEP.