dzme1530.ph

Sen. Estrada, desididong kasuhan si Engr. Brice Hernandez

Loading

Kakasuhan ni Sen. Jinggoy Estrada si Engr. Brice Hernandez kasunod ng akusasyon na nagbaba siya ng ₱355 million para sa flood control projects sa lalawigan ng Bulacan.

Sinabi ni Estrada na pinag-aaralan na ng kanilang mga abogado ang kasong ihahain laban kay Hernandez. Ipinaliwanag ng senador na nagalit at napamura siya dahil napakasinungaling na tao si Hernandez at walang katotohanan ang pahayag nito sa pagdinig ng Kamara na mayroong SOP na 30% kickback siya mula sa inilabas na ₱355 million na pondo para sa flood control projects.

Naniniwala si Estrada na ginagantihan siya ni Hernandez dahil siya ang nagpa-cite in contempt dito kahapon matapos na magsinungaling sa casino at paggamit ng pekeng identidad para makapagsugal.

Pinabulaanan din ni Estrada na nag-endorso siya ng flood control budget para sa Bulacan dahil ito ay nakalatag na sa General Appropriations Act (GAA) at puwede ituro ito sa kahit sinong senador at kongresista.

Naunang hinamon ng mambabatas si Hernandez na sabay silang sumailalim sa “lie detector test” sa harap ng publiko para patunayan kung sino sa kanilang dalawa ang nagsasabi ng katotohanan.

Samantala, sa privilege speech, sinabi ni Sen. Joel Villanueva na naniniwala siyang may taong nasa likod ni Hernandez. Iginiit ni Villanueva na sinasadyang guluhin ang lahat upang mailayo ang usapin sa tunay na mastermind na tinawag niyang Dracula at ang boss nito. Binanggit ng senador na si Dracula ang opisyal na naitalagang magbantay ng blood bank ng gobyerno na sumisipsip, anya, ng dugo ng bayan.

Matatandaang si Cong. Zaldy Co ang dating chairman ng House Committee on Appropriations na humihimay sa panukalang pambansang badyet. Inihayag din ng mambabatas na ang pagdawit sa kanya sa flood control controversy ay bahagi ng demolition job laban sa kanya, kahalintulad ng naging aksyon nang tutulan niya ang pekeng People’s Initiative.

About The Author