![]()
Hiniling ni Senador Chiz Escudero sa mga survey firms na alisin ang kanyang pangalan sa mga survey para sa presidential at vice presidential elections sa 2028.
Binigyang-diin ng senador na matagal na niyang sinabi na wala siyang balak na kumandidato sa mas mataas na posisyon.
Iginiit ni Escudero na nakatutok siya sa kanyang mandato bilang senador na gumawa ng batas na kailangan para sa ekonomiya, para sa mga micro-small-and medium enterprises, para sa mga magsasaka at manggagawa, partikular ngayong may nakaamba na pandaigdigang financial strain.
Ang pagsasama anya sa kanya sa listahan ng mga posibleng kumandidato ay hindi lang maaaring makaligaw sa public narrative kundi maaari ring makaapekto sa accuracy ng surveys.
Kailangan din aniyang tanggalin ang kanyang pangalan sa surveys para maging accurate ito na para sa interest ng publiko at sa kredibilidad din ng mga survey firms.
Si Escudero ay isa sa mga senador na pwedeng kumandidato muli sa pagkasenador sa 2028.
