Inamin ni Sen. Francis “Chiz” Escudero na siya ang may-ari ng sasakyan na may Senate Protocol plate na hinuli dahil sa iligal na paggamit ng EDSA Carousel Bus Lane.
Inamin din ni Escudero na inisyu sa kanya ang “protocol plate” na nakakabit sa sports utility vehicle at hindi awtorisado ang paggamit nito dahil ang sasakyan ay gamit ng personal driver ng kanyang kapamilya.
Pang-aabuso anya ito sa bahagi ng family driver dahil iligal maging sa mga sasakyan na may nakakabit na “No. 7 protocol plate” na dumaan sa special bus lane.
Kaugnay nito, inatasan na niya ang driver na humarap sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sagutin ang show-cause order at harapin ang anumang kasong isasampa laban sa kanya.
Idinagdag pa ni Escudero na hindi niya ginagamit ang protocol plates kaya’t nangakong isusurender na ito sa Land Transportation Office (LTO).
Pinuri rin ng senador ang mga awtoridad sa pagpapatupad ng mga batas kasabay ng pangakong suportado niya ang mga pagsusumikap ng gobyerno na pantay na maipatupad sa lahat ang mga batas-trapiko.
Humingi rin ng paumanhin ang Senador sa publiko at sa mga kapwa senador sa pangyayari.