dzme1530.ph

Sen. Escudero, inalmahan ang alegasyon na ginagamit ang pagbabawal sa “No permit, No exam policy” para sa susunod na eleksyon

Umalma si Sen. Francis “Chiz” Escudero sa mga alegasyon na hindi kinonsulta ang mga pribadong paaralan sa ipinasang panukala para sa pagbabawal ng “No permit, No exam policy”.

Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Escudero na walang basehan ang mga alegasyon na hindi binigyang pagkakataon ang mga mambabatas ng mga pribadong paaralan na ihayag ang kanilang saloobin sa panukala.

Wala rin anyang katotohanan ang alegasyong ipinasa nila ang panukala bilang paghahanda sa susunod na national at local elections dahil ikatutuwa ito ng publiko kahit ikalulugi ng mga pribadong educational institutions.

Nilinaw ni Escudero na sa ilang beses nilang pagsasagawa ng pagdinig sa panukala ay humarap ang mga stakeholders partikular ang board members ng Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines (COCOPEA) na nagpahayag ng suporta sa “No permit, No exam policy” prohibition.

Binigyang-diin din ni Escudero na malinaw sa mga probisyon ng panukala na hindi naman paliligtasin ang mga magulang ng mga estudyante sa kanilang obligasyon sa paaralan kahit payagan silang makakuha ng exams nang hindi bayad ang matrikula.

Ipinaliwanag ni Escudero na naglatag naman ng ibang pamamaraan sa panukala upang mabayaran pa rin ang pagkakautang ng estudyante.

Tanging layunin anya ng panukala ay ang iwasang mapagkaitan ng oportunidad ang mga estudyante na naka-enrol na makakuha ng pagsusulit dahil lamang sa utang.

Hindi anya makatarungan na maibagsak o mag-drop pa ang estudyante dahil hindi nakakuha ng pagsusulit.

Kasabay nito, ipinaalala ni Escudero na tungkulin ng mga mambabatas na magpasa ng mga batas para pangalagaan ang kapakanan ng mamamayan kaya’t walang masama sa pagsusulong ng mga panukala na popular o kinakatigan ng publiko. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author