Walang nakikitang mali si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa naging paggastos ni Vice President Sara Duterte ng kanyang confidential at intelligence fund (CIF) noong Mayor pa siya ng Davao City.
Sinabi ni dela Rosa na naging maayos naman ang paggamit ng dating alkalde sa CIF kaya’t maganda ang peace and order sa Davao City.
Sa mga hindi naman kumbinsido sa paggastos ng Bice Presidente, sinabi ni dela Rosa na maaari nilang sampahan ng kaso ang opisyal kung may ebidensiya na nagbulsa ito ng CIF.
Sinabi ng senador na kung may nakita siyang mali ay siya mismo ang magsasabi sa Pangalawang Pangulo.
Maganda anya ang hangarin ni VP Sara na maiwasan ang kabataan na ma-recruit sa armado o sa CPP-NPA.
Normal din anya sa Bise Presidente na mag-react sa mga kumukuwestiyon sa paggamit ng CIF dahil mistulang inaakusahan na siya ng iregularidad.
Sinuportahan din ng senador ang naunang pahayag ni Duterte na ang mga kontra sa kanyang hirit na CIF ay kalaban ng kapayapaan dahil alam naman anya ng lahat kung saan lamang target ni VP Sara gamitin ang pondo. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News