Mananatiling bahagi ng Senate Majority bloc si Sen. Ronald dela Rosa.
Ito ang binigyang-diin mismo ni dela Rosa sa gitna ng mistula anyang laban-bawi na posisyon ng pamahalaan kaugnay sa imbestigasyon ng International Criminal Court sa war on drugs ng nakalipas na administrasyon.
Sinabi ni dela Rosa na hindi niya nakikita ang sarili na lilipat ng oposisyon para lamang dipensahan ang kanyang sarili laban sa mga banta ng ICC.
Binigyang-diin pa ng senador na kayang-kaya niyang ipagtanggol ang sarili kahit siya ay nasa majority bukod pa sa mas kumpyansa siyang makatrabaho ang mga kasamahang senador sa mayorya.
Mag-iiba lamang anya ang kanyang posisyon kapag mismong ang Majority bloc na ang umayaw sa kanya at sipain siya sa grupo.
Tiwala si Dela Rosa na nagkakaintindihan ang mga myembro ng mayorya sa Senado at nananatiling independent sa kagustuhan ng Malacañang.