dzme1530.ph

Sen. dela Rosa, lumuhod na sa mga pulis na iniimbestigahan sa 990kg ng shabu upang magsabi ng katotohanan

Pito pang pulis ang na-cite for contempt ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs kaugnay sa imbestigasyon sa 990 kilos na shabu na nasabat sa Maynila noong Oktubre, 2022.

Kinilala ang mga ito na sina Police Master Sgt Rodolfo Mayo, ang kanyang superior na si PNP-Drug Enforcement Group head. Lt. Col Arnulfo Ibanez, Police Master Sgt. Carlo Bayeta, Patrolman Hasan Kalaw, Patrolman Dennis Carolina, Patrolman Rommar Bugarin at Patrolman Hustin Peter Gular.

Bagamat nakakulong na si Mayo, hinala ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na anumang oras ay maaari itong makawala dahil magaling ang kanyang abogado kaya’t pina-contempt niya ito para maikulong sa Senado sakaling makalabas sa kustodiya ng PNP.

Bago ang contempt, sinubukan pa ng mga senador na mapiga si Mayo at makunan ng mga impormasyon subalit paulit-ulit nitong in-invoke ang kanyang right to remain silent.

Na-contempt naman si Ibanez dahil hindi kumbinsido ang mga senado na wala siyang alam na may lending company si Mayo at kung kaya niyang mag-accumulate ng halos isang toneladang shabu na siya lamang.

Samantala, nagmatigas ang mga pulis na hindi sila kasama sa arresting team na nakahuli kay Police Master Sgt. Rodolfo Mayo sa kabila nang kumpirmasyon ni Police Capt. Jonathan Sosongco, head ng arresting team na kasama ng lima.

Sa pagtatanong nina Senador Jinggoy Estrada at Dela Rosa, ilang ulit na nag-invoke ng kanilang right to remain silent ang lima na naging dahilan ng pagkaka-contempt sa mga ito.

Naubos na ang pasensya ni Estrada at tatlong beses na minura ang mga pulis nang iinvoke nila ang kanilang karapatang manahimik sa tanong kung nakatanggap sila ng tawag o mensahe mula kay Sosongco para sa kanilang operasyon.

Iginiit kasi ng limang pulis na hindi si Mayo ang kanilang inaresto bagkus ay ang inmate na si Ney Atadero na unang naaresto sa WPD Lending Company.

Si Mayo naman umano ay naaresto sa Bambang bilang follow up operations.

Matapos ma-cite for contempt, binalaan pa ni Estrada ang lima na mabubulok sa kulungan kung patuloy silang magmamatigas na hindi magsabi ng katotohanan dahil hihilingin niya kay dela Rosa na hindi na muli magpatawag ng pagdinig hangga’t hindi sila handang makipagtulungan. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author