dzme1530.ph

Sen. dela Rosa, iginiit na dapat may managot sa pagtakas ng isang PDL sa NBP

Heads must roll.

Ito ang binigyang diin ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa kaugnay sa pagtakas ng isang inmate sa maximum security compound ng New Bilibid Prison (NBP).

Ang pahayag ni dela Rosa ay makaraang maaresto ang nawawalang person deprived of liberty (PDL) na si Michael Cataroja na noong una ay inakalang patay at kabilang sa umano’y mass grave sa septic tank ng kulungan subalit natuklasang tumakas at nagtago sa lalawigan ng Rizal.

Binigyang diin ni dela Rosa na sobra-sobrang lapses o kapabayaan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang nangyaring pagtakas ng PDL at hindi ito katanggap-tanggap.

Ipinaalala ng senador na ang maximum security compound ng NBP ay itinuturing na pinakamahigpit dapat ang seguridad kung kaya’t kahiya-hiyang natakasan ng isang PDL.

Dahil dito, iginiit ni dela Rosa na dapat ay may ulong gumulong o may masibak sa kapalpakan sa seguridad sa mga kulungan.

Sinabi ng senador na kailangang magsagawa ng malalimang imbestigasyon upang alamin kung aabot hanggang kay BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. ang command responsibility ng dapat na managot.

Hindi pa matiyak ni dela Rosa kung ‘off the hook’ o lusot sa nangyaring insidente ang BuCor Chief dahil ang rason naman ni Catapang ay may level of chain of command na sinusunod at hindi umano siya ang direktang namamahala sa kulungan. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author