Hindi pa rin nawawalan ng pagasa si Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa na maipapasa sa Senado ang panukala para sa Mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC) sa tertiary level.
Sinabi ni dela Rosa na umaasa siyang pagbalik ng sesyon sa Mayo ay matatalakay na ang panukala sa plenaryo.
Una nang sinabi ni Senador Robin Padilla na nawawalan na siya ng pagasa na maaaprubahan pa sa Senado ang panukalang pagbabalik ng Mandatory ROTC dahil marami sa mga kasama nila ang tutol dito.
Sinabi naman ni dela Rosa na mas makabubuting magbotohan na sila sa Senado upang magkaalaman na kung sino ang pabor at sino ang tutol.
Aminado naman si Bato na maliit lamang ang margin ng mga pabor at hindi sa panukala.
Subalit umaasa siyang sa gitna ng kanilang interpelasyon ay marami pa sa mga senador ang makukumbinsi na makabubuti ang mandatory ROTC para sa mga estudyante.