dzme1530.ph

Sen. dela Rosa, handang tumugon sa hamon ni Mayor Magalong na mag-donate sila para sa MUP pension

Handa si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na kumasa sa hamon ni Baguio Mayor Benjamin Magalong na tumulong sa pagtugon sa problema sa Military and other Uniformed personnel (MUP) pension system.

Una nang sinabi ni Magalong na dapat gawin din ng mga mambabatas ang kanilang nararapat na kontribusyon upang maiwasan ang sinasabing fiscal collapse.

Sinabi ni Magalong na kung silang nasa uniformed service ay handang magbigay ng bahagi ng kanilang pension para makatulong din sa gobyerno, nais din niyang makita kung ano ang ibabahagi ng mga mambabatas.

Sa panig ni dela Rosa, iginiit nito na handa rin siyang mag-contribute upang makatulong sa gobyerno.

Handa anya nitong ibigay o i-donate ang bahagi ng kanyang retirement pension upang matugunan ang isyu ng MUP pension.

Sa panig naman ni Senador JV Ejercito, iginiit na bagama’t panahon nang tugunan ang problema sa MUP pension, hindi naman nito maisasakripisyo ang mga adbokasiya nito na dapat paglaanan ng sapat na pondo para sa implementasyon.

Kabilang dito ang Universal Health Care system, mga pabahay at mga imprastraktura para sa transportasyon. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author