dzme1530.ph

Sen. Dela Rosa, handang magsagawa ng imbestigasyon sa isyu ng pang-aabuso ng ilang sundalo sa kanilang mga asawa

Bukas si Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Ronald ‘Bato’ Dela Rosa sa posibilidad na pagsasagawa ng imbestigasyon sa sinasabing pang-aabuso ng ilang miyembro at opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kanilang asawa at nag-abandona sa kanilang pamilya.

Sinabi ni Dela Rosa na kung totoo at may sapat na ebidensya na magpapatunay na maraming asawa at pamilya kabilang ang mga anak ang inabuso ng mga sundalo at opisyal dapat lamang na magsagawa ng kaukulang imbestigasyon ang Senado.

Iginiit ng senador na hindi siya maghahain ng resolusyon sa Senado kung wala namang sapat at matibay na ebidensya na susuporta dito.

Kahapon ay naharang ang kumpirmasyon ng promosyon ni General Ranulfo Sevilla dahil sa sumbong ng kanyang asawa na nakaranas umano ng pang-aabuso at hindi tumatanggap ng sustento.

Sa pahayag ni Ginang Tessa Cruz Sevilla, marami nang mga misis ng mga opisyal at miyembro ng AFP ang nakararranas din ng pang-aabuso sa kanilang mga asawa.

Subalit ang problema anya ay ang sistema ng AFP dahil tila hindi nila nabibigyan ng sapat na atensyon ang mga ganitong kaso at pinagpasa pasahan pa ang mga ginang na lumalapit sa kanila upang ireklamo ang kanilang mga asawa.

About The Author