dzme1530.ph

Sen. Dela Rosa, handa rin sa mga katanungan ng mga kapwa senador kaugnay sa war on drugs

Handa si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na tanungin din ng kanyang mga kapwa senador sa pagdinig kaugnay sa war on drugs ng Duterte administration sa Lunes.

Sinabi ni dela Rosa na inooffer din niya ang kaniyang sarili bilang resource person at hindi lamang miyembro ng Senate Blue Ribbon Committee na mag-iimbestiga.

Tiniyak ng senador na hindi siya maooffend kung siya mismo ang gigisahin ng mga miyembro ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa ipinatupad nilang kampanya kontra droga upang mailabas ang katotohanan.

Handa rin aniya itong komprontahin ang mga nag-akusa sa kanya partikular si self-confessed drug lord Kerwin Espinosa kaugnay sa mga alegasyon laban sa kanya gayundin si dating Pol. Co. Jovie Espenido na bumaligtad sa kanyang mga naunang testimonya noon sa Senado laban kay dating Sen. Leila de Lima.

Binigyang-diin ni dela Rosa na mas kumpiyansa siyang mas magiging balanse ang pagdinig ng Senado kumpara sa Quad Comm ng Kamara at mas mailalabas nila ang katotohanan.

Wala rin aniya siyang pinagsisihan sa inilunsad na war on drugs at kung may pagkakataon ay muli niyang uulitin ang kanyang mga ginawa. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author