Minsan nang napatunayan na si dismissed Police Col. Eduardo Acierto ang totoong sangkot sa iligal na droga.
Ito ang naging bwelta ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa matapos ang pag-uugnay ni Acierto sa kanya at kina dating Pang. Rodrigo Duterte at Sen. Christopher Bong Go sa isyu ng iligal na droga na kinasasangkutan ni dating Presidential adviser Michael Yang.
Sa pagdinig sa Kamara, iginiit ni Acierto na binalewala nina Duterte at dela Rosa ang kanyang report noong 2017 na nag-uugnay kay Yang sa iligal na droga.
Sinabi ni Dela Rosa na sa kanyang pagkakatanda, nang matanggap niya ang impormasyon na posibleng sangkot si Yang sa shabu laboratory sa Davao City na ni-raid ay agad niyang ipinag-utos kay Acierto na noo’y deputy director ng PNP-Drug Enforcement Group (PDEG) na i-validate ang impormasyon at magkasa agad ng operasyon laban sa subject sakaling totoo ito.
Subalit, sa halip aniya na magsagawa ng balidasyon ang dating police officer ay naging abala sa pagpapasok ng multi-bilyong halaga ng droga na nakalagay sa mga magnetic lifters at nakumpiska ng Customs sa isang warehouse.
Nauwi pa anya ito sa pagkakaaresto kay Acierto at sa isa pang dating PDEA officer na si Ismael Fajardo at conviction ni Customs Intelligence Agent Jimmy Gavan.
Kaya iginiit ni dela Rosa na naiintindihan niya kung bakit sa pamamagitan lang ng zoom humarap si Acierto sa pagdinig ng Kamara.