Aminado si Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa na nasayang lang ang kanilang pagod at hirap matapos i-veto ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang Philippine National Police Reform and Reorganization bill.
Sinabi ni Dela Rosa na siyang author ng Senate Bill 2449 na hindi lamang siya o ang buong Kongreso kundi maging ng Department of the Interior and Local Government (DILG), National Police Commission (NAPOLCOM), at PNP ang nag-aksaya ng oras at pagod sa pagbalangkas ng naturang panukala.
Maituturing din anya na ang pag-veto ng Pangulo sa panukala ay pagtangging tugunan ang puwang o pangangailangan ng ahensya.
Ipinaliwanag ng senador na ang pagsasaayos ng PNP ay malaking hakbang sa pagpapanatili ng kapayaan at kaayusan sa bansa lalo na ipinagmamalaki ngayon ang isang “Bagong Pilipinas”.
Umaasa naman si Dela Rosa na magtatagpo rin ang kanilang pangarap at ng Malacañang para sa mga pulis.
Makakaasa rin aniya ang PNP na patuloy niyang susuportahan ang kanilang kapakanan.