dzme1530.ph

Sen. dela Rosa, aminadong nakararamdam ng pagtatraydor sa laban-bawing polisiya ng gobyerno kaugnay sa ICC investigation

Aminado si Sen. Ronald Bato dela Rosa na nakakaramdam siya ng betrayal o pagtatraydor kasunod ng tila laban-bawing polisiya ng gobyerno kaugnay sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa inilunsad na drug war ng Duterte administration.

Ito ay kasunod ng pahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na kung sakaling maglabas ng warrant of arrest ang ICC at ipatupad ito ng International Police Organization (Interpol) ay wala silang magagawa kundi makipagtulungan.

Sinabi ni dela Rosa na wala naman silang magagawa kung ano ang polisiya ng gobyerno dahil sila ang nasa kapangyarihan subalit muling binigyang-diin na hanggang ngayon ay pinanghahawakan niya ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi makikipagtulungan sa ICC.

Muling iginiit ng senador na malinaw na walang hurisdiksyon sa bansa ang ICC dahil gumagana ang ating justice system at katunayan ay maging ang Kamara ay nagsasagawa ngayon ng imbestigasyon sa anti-drug war ng nakaraang administrasyon.

Tinawag pa nitong power hungry ang mga taga-ICC kaya’t gustong-gustong manghimasok sa bansa na pinangungunahan na rin aniya ng idineklara niyang tagapagsalita ng organisasyon na si dating Sen. Antonio Trillanes IV.

Sa kabilang dako, sinabi ni dela Rosa na handa naman siyang sagutin ang mga tanong ng ICC kung sakaling nais siyang makausap ng mga ito subalit hindi aniya ito nangangahulugan ng pagsuko sa kanilang hurisdiksyon.

Sa tanong kung ano ang balak niyang gawin kung sakaling magkaroon na ng warrant of arrest laban sa kanya, sagot ng mambabatas “I will cross the bridge when we get there”.

About The Author