Handa si Senador Alan Peter Cayetano na magbitiw sa puwesto kung matitiyak na susunod din ang iba pang halal na opisyal ng gobyerno sa national level.
Sa gitna ito ng panawagan ni Cayetano na upang maibalik ang tiwala ng publiko sa gobyerno, ay dapat magbitiw na ang Pangulo, Pangalawang Pangulo, lahat ng senador, at lahat ng kongresista, at magsagawa ng snap elections kung saan hindi papayagang muling kumandidato ang mga nagbitiw.
Ipinaliwanag ni Cayetano na hindi magiging solusyon kung isa lamang ang magreresign, at sa halip ay dapat may manguna subalit susunod ang lahat.
Aminado si Cayetano na suntok sa buwan ang kanyang rekomendasyon, subalit kailangan aniyang pag-usapan na ngayon ang mga posibleng alternatibong solusyon sa mga kasalukuyang sitwasyon sa bansa.
Iginiit ni Cayetano na umaasa siyang hindi aabot sa people power o rebolusyon ang sitwasyon, dahil hindi rin naman ito magiging epektibong solusyon laban sa lumalalang katiwalian sa pamahalaan.