Nakabuo na ng mga posibleng panukalang batas at reporma sa mga polisiya si Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairperson Ronald dela Rosa kaugnay sa isinagawang pagdinig sa kaso ng pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at iba pang lokal na opisyal.
Sa kabuuan, sinabi ni dela Rosa na nakakita sila ng limang posibleng panukalang batas at apat na policy reforms.
Kabilang sa ipapanukala ang pag-amyenda sa Omnibus Election Code, partikular sa section 69 o ang probisyong may kinalaman sa nuisance candidates; pag-amyenda sa Local Government Code upang matiyak na ang kapangyarihang magtalaga ng police provincial directors ay nasa kamay ng Philippine National Police at hindi sa local government officials; at pag-amyenda sa Firearms Law.
Binigyang-diin pa ni dela Rosa na kailangan din ng malakas na batas upang masawata ang pagbuo ng mga private armies at ang pagpapataw ng death penalty sa mga tiwaling security personnel na sangkot sa heinous crimes gamit ang kanilang training, kaalaman at kakayahan.
Tinukoy naman ni dela Rosa na kasama sa mga reporma ang mas mahigpit na regulasyon sa pagbebenta at paggamit ng military at police uniforms, monitoring ng mga dishonorably discharged military personnel, imbentaryo ng loose firearms, at updating ng PNP Standard of Procedures sa pagtugon sa reklamo ng taumbayan.
Plano pa ni dela Rosa na magsagawa ng isa pang pagdinig para talakayin pa ang law and order situation sa Negros Oriental.
Sa unang tatlong hearings ng kumite, lumantad ang iba’t ibang motibo sa pagpatay kasama na ang land grabbing cases, e-sabong at illegal gambling, intimidation at pagbabanta sa mga “uncooperative” o hindi nakikipagtulungan na mga awtoridad, ang pagkakaroon ng private armies na may unlicensed firearms, at pagkakasangkot ng police personnel sa criminal activities at cover-ups. —sa ulat ni Dang Garcia