dzme1530.ph

Seguridad sa paligid ng ginagawang gusali ng Senado, pinahihigpitan

Pinaiimbestigahan na ni Senate President Francis Escudero ang insidente ng pagkamatay ng isang lalaki sa ginagawa nilang gusali sa Chino Roces Ave. Extension, Brgy. Fort Bonifacio, Taguig City.

Kasabay nito, pinare-review din ni Escudero ang ipinatutupad na security protocols sa construction site.

Ayon kay Senate Spokesperson Arnel Jose Bañas, inatasan na rin ang security personnel sa lugar na busisiin at paigtingin pa ang kontrol sa lahat ng entrance at exit points gayundin sa paligid pa ng construction site upang maiwasan na ang hindi awtorisadong pagpasok sa lugar.

Tiniyak din ni Bañas na seryoso nilang tinitignan ang trahedya at suportado nila ang pagsisiyasat upang matukoy ang mga sirkumstansya sa trahedya.

Sa inilabas ding opisyal statement ni Bañas, sinabi ng tagapagsalita na nadulas ang lalaki mula sa hindi pa malamang palapag at bumagsak sa ground floor.

Nagpahayag na rin ng pakikisimpatiya ang Senado sa pamilya ng nasawing lalaki.

About The Author