Pinabubusisi ni Senador Jinggoy Estrada sa Senado ang estado ng seguridad at kaayusan sa Southern Region ng bansa partikular na ang naganap na pananambang sa apat na sundalo sa Maguindanao del Sur noong Marso.
Sa kanyang Senate Resolution 984, binanggit ni Estrada na sa kabila ng paglalaan ng malaking pondo ng gobyerno at pagsusumikap na makamit ang kapayapaan at masolusyunan ang ugat ng rebelyon, nananatili pa rin ang mga nagbabanta sa seguridad at katiwasayan sa lugar.
Idinagdag ng Chairman ng Senate Committee on National Defense na sa kabila ng matagumpay na military operations sa pagbuwag sa mga network ng terorista at extremist groups sa buong bansa, may mga bago at naglilitawan na grupo mula sa natitirang puwersa na nagiging hamon sa pambansang seguridad.
Sa kanyang resolution, iginiit ni Estrada na dapat gamitin ng Senado ang kanilang oversight function at suriin ang pagganap ng militar at mga ahensyang nagpapatupad ng batas sa kanilang tungkulin upang matiyak ang kaayusan ng bansa.
Kailangan aniyang matiyak sa publiko na sa kabila ng mga insidenteng isinasagawa ng mga terorista ay kontrolado pa rin ng militar ang sitwasyon.