dzme1530.ph

SEC, pinuna sa pagpapabaya sa pag-regulate sa lending companies

Loading

Pinuna ni Sen. Raffy Tulfo ang ilang kapabayaan ng Securities and Exchange Commission (SEC) kaugnay sa pagreregulate sa mga financial at lending companies na nagpapatakbo ng kani-kanilang mga online lending applications (OLAs).

Ito ay kasunod ng mga reklamong natanggap ng tanggapan ng senador sa mga nangutang sa mga OLA at nagugulat na lamang sila dahil nakakarating sa ibang tao ang kanilang mga personal na impormasyon.

Sa pagdinig sa Senado, sinita ni Tulfo ang pagpapabaya ng SEC sa lending companies na basta na lamang ipamahagi ang confidential information ng “borrowers” sa third party service providers.

Dipensa ni Atty. Kenneth Joy Quimio, OIC Director ng Financing and Lending Companies Department ng SEC, partner naman daw ito ng mga OLA na nagsisilbing agents nila.

Kinontra ito ng senador at sinabing maliwanag na paglabag ito sa Data Privacy Act of 2012 (Republic Act No. 10173) na pumoprotekta sa mga sensitibong impormasyon ng isang indibidwal.

Magkaibang entity aniya ang OLA at ang third party service provider na hindi dapat binibigyan ng ganitong mga sensitibong impormasyon.

Iminungkahi ni Tulfo ang mga OLA na magtalaga ng sariling collection units na maniningil sa mga pautang at hindi idaraan sa harassment ang koleksyon.

Pinuna rin ng mambabatas ang nakalilitong listahan ng SEC kung saan mayroon silang 117 registered financial at lending corporations na nagpapatakbo ng nasa mahigit 181 online lending platforms.

Inirekomenda ng senador na linisin ng SEC ang listahan ng mga nakarehistrong financial at lending companies upang maipaalam sa publiko ang mga matitinong kumpanya.

About The Author