Hindi dapat makinig si House Speaker Martin Romualdez sa hirit ni Sec. Larry Gadon sa Kongreso na isabay na rin ang political amendments sa isinusulong na economic charter change.
Ayon sa chairman ng House Committee on Constitutional Amendments at Cagayan de Oro 2nd Dist. Rep. Rufus Rodriguez, si Pang. Bongbong Marcos, Jr. mismo ang nagsabi na tanging economic Charter reforms ang sinusuportahan niya.
At si Gadon bilang presidential adviser for poverty alleviations ay kailangan umanong sumunod sa stand ng Pangulo.
Kumpiyansa naman si Rodriguez na ibabasura ni Romualdez ang sulat ni Gadon.
Aniya, bilang co-author ng Resolution of Both Houses No. 7, hindi niya susuportahan ang ano mang political amendments sa isinusulong na economic Cha Cha.
Dagdag pa ni Rodriguez, sa December survey ng Tangere, lumitaw na 77% ng mga Pilipino ay suportado ang economic charter change, subalit nabaliktad ito sa survey ng Pulse Asia nitong Marso.
Dahilan ng pag-ayaw ng taongbayan sa survey ng Pulse Asia ay ang katanungan na kung payag ba sa term extension sa mga elective position, pagbabago sa porma ng gobyerno, at pagpayag na e-exploit ng dayuhan ang natural resources ng bansa.