dzme1530.ph

Scam Prevention Education, ipinasasama sa curriculum ng senior high school

Inihain ni Senador Mark Villar sa Senado ang panukalang magmamandato ng pagkakasama ng Scam Prevention Education sa curriculum sa senior high school.

Sa Senate Bill 2338, layon ni Villar na maimulat ang mga estudyante sa naglipanang scam at paano made-develop nag kanilang critical thinking.

Alinsunod sa panukala, anumang ituturo ay ibabatay sa konsultasyon sa Department of Information and Communications Technology, Philippine National Police, National Bureau of Investigation at iba pang ahensya ng gobyerno.

Ipinaliwanag ni Villar na bagama’t karaniwang adult o nasa hustong gulang ang target ng scammer o fraudster, malaki pa rin ang panganib na mabiktima ang kabataan.

Nakasaad din sa panukala ang report ng PNP na sa unang bahagi ng taon, nakapagtala ng 6,250 cybercrimes sa Metro Manila na mas mataas ng 152% kumpara sa naitala sa kaparehong panahon noong isang taon.

Kasama sa rito ang online scam, illegal access sa online accounts at ATM o credit card fraud. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author