Naghigpit ng seguridad ang Philippine National Police (PNP) sa loob ng Camp Crame matapos matagpuan ang isang sasakyan na umano’y sangkot sa isang kaso ng kidnapping na nakaparada sa quarters ng isang opisyal.
Batay sa dokumento ng PNP noong Agosto 22, ipinag-utos ang pagbabawal sa pagparada ng mga sasakyan sa gilid ng kalsada sa officers’ row o sa mga bahay na inookupa ng mga opisyal.
Kasama rito ang pagbabawal sa mga sasakyan ng security personnel, aides-de-camp, at kanilang mga tauhan. Tanging mga sasakyan ng mismong opisyal ang pinahihintulutang gamitin ang nakalaang parking area.
Ang kautusan ay inilabas matapos matagpuan noong August 6 ang isang Ford Everest na sinasabing biktima ng rent-tangay at kalaunan ay natukoy na ginamit sa pagdukot sa tatlong Chinese national at isang Pilipina.
Ayon sa imbestigasyon, regular na nagsasagawa ang Highway Patrol Group (HPG) at Headquarters Support Service ng masusing inspeksiyon sa mga sasakyang pumapasok sa kampo upang matiyak na hindi sangkot sa anumang iregularidad, alarma, o kabilang sa mga recovered vehicles ang mga ito.
Kasama sa inspeksiyon ang beripikasyon ng OR/CR, lisensya, at pagtanggal ng mga hindi awtorisadong accessories.
Umabot sa higit 300 motor vehicle at 500 motorsiklo ang sumailalim sa pagsusuri, kung saan ilan ay tinikitan dahil sa paglabag sa batas trapiko.
Tiniyak ng HPG na anuman ang ranggo ng sinumang mapatunayang gumagamit ng mga recovered o ebidensyang sasakyan, ay hindi ito sasantuhin at mananagot ang sangkot.