dzme1530.ph

Sarah Discaya, tinawag na “flood control queen”

Loading

Binansagan ni Senador Erwin Tulfo ang kontratistang si Cezarah Rowena Discaya bilang “flood control queen.”

Kasabay nito, iginiit ni Tulfo na dapat ipagharap ng kasong plunder ang mga sangkot sa maanomalyang flood control projects upang makasama na ang tinaguriang “pork barrel queen” na si Janet Lim-Napoles sa loob ng kulungan.

Ayon kay Tulfo, mas masahol pa sa pork barrel scam ang mga anomalya sa flood control projects.

Ipinaliwanag nito na sa pork barrel scam, umaabot lamang sa daan-daang milyon o higit isang bilyong piso ang halagang sangkot kada kontratista. Sa flood control projects naman, daang bilyong piso ang pinaghihinalaang sangkot at tinatayang nasa 15 kontratista ang dawit.

Dagdag pa ni Tulfo, kung sa pork barrel scam ay 15% lamang ang hinihinging komisyon, sa flood control projects ay lumilitaw na umaabot ito sa 30%.

Giit ng senador, panahon nang kasuhan ang mga tiwaling sangkot upang may makasama si Napoles sa Women’s Correctional, habang sa New Bilibid Prison naman ay may mga bakanteng pwesto para sa mga high-profile inmates.

Una nang sinabi ni Finance Secretary Ralph Recto na nawalan ang ekonomiya ng humigit-kumulang ₱118.5-B mula 2023 hanggang 2025 dahil sa mga maanomalyang flood control projects.

About The Author