dzme1530.ph

Sapat na suplay ng malinis na tubig sa mga apektado ng pagputok ng Mt. Kanlaon, pinatitiyak ng isang Senador

Nanawagan si Senate Majority Leader Francis Tolentino sa executive department na tiyakin na magkakaroon ng malinis at maiinom na suplay ng tubig ang mga residente na naapektuhan sa pagputok ng Mount Kanlaon.

Dahil sa ashfall mula sa bulkan, maaaring kontaminado na aniya ang suplay ng tubig ng mga komunidad partikular ang mga nasa bisinidad ng bulkan.

Pinatitiyak din ni Tolentino na dapat magkaroon ng maayos na koordinasyon sa mga local water districts para matiyak na malinis ang suplay ng tubig.

Agad namang tumugon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pinag-aaralan na nila ang mga kasalukuyang kasunduan na mayroon sila sa mga water district utilities sa lugar.

Sa inisyal na datos ng DSWD, nasa 2,000 indibidwal mula sa 16 na barangay sa Negros Occidental at apat na barangay sa Negros Oriental ang apektado ng pag-aalburoto ng Mt. Kanlaon.

Tinatayang nasa 1,400 inididwal naman ang kasalukuyang nananatili sa mga evacuation centers.

About The Author