dzme1530.ph

Samu’t saring mga baril, droga na nagkakahalaga ng ₱61-M, nakumpiska ng PCG at PNP sa Allen Port of Samar

Kinumpirma ng Philippine Coast Guard K9 Field Operating Unit ng Northern Samar, na nakadiskubre ito ng iligal na droga sa loob ng abandonadong maleta sa FastCat Ferry Terminal, na sakop ng Barangay Kinabranan Zone II, Allen, Northern Samar.

Ayon sa PCG naglalaman ito ng siyam na bloke ng tea bag na may 9.695 kilong timbang ng hinihinalang shabu at may market value ₱61-M.

Dinala ang mga nasabat na droga sa Allen Municipal Police Station para sa dokumentasyon bago ibigay sa Northern Samar Police Forensic Unit para sa pagsusuri.

Samantala kaugnay nito, isang araw bago ang pagkakadiskubre ng droga, nadakip naman ng PNP at PCG ang tatlong lalaki sa lugar, na hinihinalang responsable sa bagahe na mga taga-Taguig City, Cotabato, at Maguindanao.

Nang inspeksyunin ang sinasakyan nitong L-300 van, tumambad ang mga matataas na kalibre ng baril at pampasabog.

Kasama sa mga nadiskubreng item ang mga assembled M16 rifles, 40mm AVACOR cartridges, mga bahagi ng riffle, uniporme ng militar, iba’t ibang bala, ID, ATM card, at cash.

Giit ng mga awtoridad posibleng masampahan ng kasong Illegal Possession of Firearms and Explosives at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang tatlong suspek.

About The Author