Kinumpirma ni Sen. Raffy Tulfo na kamaganak ng isang senador ang VIP na sakay ng SUV na dumaan sa bus lane noong araw ng Linggo.
Ayon kay Tulfo, batay sa kanyang A1 intelligence report, galing sa airport ang VIP at patungo sa isang hotel sa Quezon City nang maharang ng mga tauhan ng MMDA sa bus lane sa Guadalupe.
Gayunman, nilinaw ni Tulfo na sa pagkakaalam niya ay walang alam ang senador sa paggamit ng protocol plate number 7.
Kasabay nito, kinumpirma rin ni Tulfo ang mga impormasyon na lumabas na ang sasakyan ay pag-aari ng Orient Pacific Corporation kung saan board members sina William at Kenneth Gatchalian.
Kasabay nito nanawagan si Tulfo sa VIP na lulan ng sasakyan na lumabas na, mag-apologize at harapin ang parusa dahil ang nalalagay ngayon sa alanganin ay ang 23 na senador. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News