![]()
Nilinaw ni Senador Sherwin Gatchalian na matagal nang tinanggal ng Senado ang ₱80-bilyong pondo para sa Support for Infrastructure Projects o SAGIP sa ilalim ng Unprogrammed Appropriations (UA) ng panukalang 2026 national budget.
Ayon kay Gatchalian, bagama’t iginagalang niya ang konstitusyunal na kapangyarihan ng Pangulo na mag-veto ng mga bahagi ng budget, mahalagang linawin na ang kontrobersyal na SAGIP fund ay hindi na kabilang sa bersyon ng Senado.
Matagal na anyang itinuturing ang SAGIP bilang posibleng pinagmumulan ng abuso at korapsyon, lalo na sa mga proyekto sa flood control.
Binigyang-diin din ni Gatchalian na walang direktang veto sa Programmed Appropriations ng 2026 budget.
Idinagdag pa niya, lima sa pitong item na na-veto sa ilalim ng UA ay orihinal na bahagi ng National Expenditure Program (NEP) o ang panukalang budget ng Pangulo, na pinroseso at inayos lamang ng Kongreso.
Nilinaw rin ng senador ang isyu kaugnay ng RACE Program na isinama sa UA. Ayon sa kanya, book-entry lamang ito at hindi nangangahulugang may aktwal na pondong ilalabas.
Sa huli, tiniyak ng senador na patuloy na babantayan ng Senado at makikipag-ugnayan sa ehekutibo ang maayos at tapat na pagpapatupad ng 2026 national budget.
