dzme1530.ph

Safety audit, iginiit ng isang senador matapos ang lindol sa Davao

Loading

Nanawagan si Sen. Sherwin Gatchalian para sa mabilis na pagtugon at masusing safety audit matapos ang Magnitude 7.4 na lindol sa Davao Oriental at mga karatig-lugar kaninang umaga.

Kasabay nito, nagpaabot ito ng panalangin para sa kaligtasan ng mga residente sa mga apektadong lugar.

Hinimok ng senador ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mga lokal na disaster councils, at mga first responders na kumilos agad upang tiyakin ang agarang rescue at relief operations, gayundin ang pagsasagawa ng inspeksyon sa mga paaralan, ospital, at matataong lugar upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.

Madalas aniya na pinakaapektado ang mga bata sa ganitong sakuna, kung saan ilang estudyante ang nahilo habang lumilindol, kaya mahalagang magbigay din ng psychosocial support sa mga paaralan upang matulungan silang makayanan ang takot at trauma.

Nanawagan rin ang senador ng buong suporta para sa mga apektadong residente sa Davao Oriental at karatig-probinsya, lalo na’t marami pa sa Cebu, La Union, at Baguio ang patuloy pang bumabangon mula sa mga nakaraang lindol.

Samantala, ipinag-utos ni Senate President Tito Sotto ang pagsasagawa ng earthquake drills sa Senado sa gitna ng sunud-sunod na lindol sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ito ay upang matiyak ang kahandaan ng mga empleyado ng Senado sakaling mangyari ang lindol.

About The Author